A HALLOWEEN STORY

BABALA: Huwag basahin ang sumusunod na kuwento kung matatakutin ka at may sakit sa puso.


“Anak ng..!” nagmumurang himutok ni Dave ng mabigo pa rin siyang paandarin ang tumirik niyang kotse. Brand new 'to, ano ang magiging problema nito? tanong niya sa sarili habang lumalabas.

Mag-aala-una na ng madaling-araw. Nasa ilang na lugar siya, walang kabahayan sa paligid, puro patay na puno ang nakikita niya at walang nagdaraang sasakyan. Ang bilog na buwan ay parang napakalapit at abot-kamay lamang niya, nakasisilaw ang liwanag nito. Parang napakahiwaga ng lugar na kinaroroonan niya. Parang anumang oras ay mabibiyak ang aspaltadong kalsadang kinatutuntungan niya at magluluwa ng sari-saring diyablo at halimaw upang gutayin at pagsalu-saluhan ang katawan niya.

Sisilipin sana niya ang makina ng sasakyan niya ng magitla siya…

Isang matandang lalake ang nakita niyang nakatayo sa likuran niya at nakatingin sa kanya. Nakasuot ito ng puti ngunit marusing na barong tagalog. May hawak itong isang libro sa kanang kamay at lumang attache case sa kaliwa. Payat ito at kulubot na ang mukha at ang mga mata ay nagpapahiwatig ng maraming gabing hindi pagkakatulog.

Iniabot nito sa kanya ang libro. “Makatutulong sa ‘yo ang librong ‘yan upang ligtas na mapalipas mo ang gabing ito sa lugar na ito,” wika sa kanya ng matanda. Malamig, tila nanggagaling sa hukay ang tinig nito. Kung magsasalita siguro ang isang taong patay ay ganoon ang boses na maririnig niya. May mga nakakapit na lupa sa suot nitong barong at may nakita siyang mga uod na gumagapang sa ugating kamay nito.

May nginig ang mga kamay na kinuha niya ang libro. “S-Salamat po…” garalgal ang boses na sabi niya.

“Isang libong piso ang halaga ng librong ‘yan,” wika ng matanda.

Saglit siyang nalito bago niya naintindihan na ipinagbibili ng matanda ang libro. Agad siyang naglabas ng isang libong piso sa kanyang pitaka at iniabot sa matanda.

“Binabalaan kita, huwag mong titingnan ang huling pahina ng librong ‘yan kung ayaw mong magsisi,” wika ng matanda sa nakapangingilabot nitong boses. “Huwag na huwag mong titingnan ang huling pahina.”

Pinagmasdan niya ang libro. Malikmata: Mga Tunay Na Kuwentong Galing Sa Hukay ang titulo nito at marahil ay may isandaang pahina. Pagbalik niya ng tingin sa lugar ng matanda ay wala na ito. Nanlalaki ang ulo at nanlalamig ang pakiramdam na dali-dali siyang bumalik sa loob ng sasakyan niya. Ngunit nabigo pa rin siyang paandarin ito.

Bitbit pa rin ang libro na lumabas siya ng sasakyan at naglakad-lakad. Isang luma at maliit na sementeryo ang nadaanan niya. Bisperas na nga pala ng undas ngayon, komento niya sa sarili nang mapansin na ilan sa mga puntod ay may nakatirik na mga may sinding kandila.

Muntik na siyang mapalundag sa pagkagulat sa sumunod na nakita…

Ang matandang lalake.

Nakaupo ito sa ibabaw ng isang nitso, suot pa rin ang marusing na barong tagalog, nakaakbay ito sa krus na nakapatong sa puntod, gumagapang patungo sa katawan nito ang maraming uod na nagmumula sa maliit na butas ng nitso. Umiwas ng tingin sa kanya ang matanda. Ang libingan ba na kinauupuan nito ay pag-aari nito?

Nagpatuloy siya sa mabilis na paglalakad hanggang sa isang otel ang nakita niya. Pumasok siya rito at umupa ng isang kuwarto.

Pagpasok sa silid ay ipinatong niya sa mesa ang libro at naligo, pilit inaalis sa pamamagitan ng malamig na tubig ang magkakahalong kaba, pagkalito at takot na nararamdaman.

Sinubukan niyang matulog pagkaraang maligo ngunit hindi niya magawa. Dinampot niya ang itim na libro at binuklat-buklat. Mga kuwentong lubhang nakakatakot at nakakapangilabot ang laman nito. Lalo lamang binalot ng masidhing takot ang buo niyang pagkatao. Nabitiwan niya ang libro ng wala sa oras, sa umaga na lamang niya ito babasahin.

Nanungaw siya at nagsindi ng sigarilyo. Natigilan siya sa nakita sa labas ng otel. Nakita niya ang matandang lalake habang iniaabot ang parehong libro sa isang babae. Nakita niya ng maglabas ang babae ng isang libong piso at iabot sa matandang lalake.

Nabasa niya ang mga salitang lumabas mula sa bibig ng matandang lalake habang kausap ang babae: Huwag na huwag mong titingnan ang huling pahina kung ayaw mong magsisi!

Pagkaraan niyon ay nagmamadaling naglakad palayo ang matandang lalake hanggang sa lamunin ito ng dilim.

Ibinalik ni Dave ang tingin sa babae, may katabaan ito at nasa limampu na marahil ang edad. Nakita niyang pinagmamasdan nito ang libro. Umakma itong susulyapan ang huling pahina...

“Huwag!” mula sa bintana ay sigaw niya sa babae.

Ngunit huli na, nasulyapan na ng babae ang huling pahina ng misteryosong libro.

Nakita niyang nandilat ang babae, may rumehistrong matinding pagkasindak sa mukha nito. Pagkasindak na agad napalitan ng ekspresyon ng matinding pagkamuhi. Maya-maya pa ay nasapo nito ang dibdib nito, tumirik ang mga mata, kuminig ang buong katawan nito, tinangka nitong humakbang papasok sa otel ngunit ilang hakbang lang ay bumagsak na ito.

Natatarantang pinagkaguluhan ito ng mga tao sa paligid habang kumikisay at bumubula ang bibig. Ang bilog na buwan ay tila lalo pang lumapit sa lupa, tila gustong matitigan ng husto ang nangyayari sa babae.

Kumakalabog ang dibdib at nanlalamig ang buong katawan na napaatras siya mula sa bintana. Parang sasabog ang ulo niya. Sino ang matandang lalaking iyon? Ano ang matandang iyon? Kasapakat ba nito ang buwan? Nasulyapan uli niya ang librong itim sa mesa. Ano ang nasa huling pahina nito? Nilapitan niya ang libro at may nginig ang mga daliring dinampot niya ito. Pilit niyang nilalabanan ang sumisidhing tukso na sulyapan niya ang huling pahina nito.

Hanggang sa manaig ang tukso at sinulyapan na niya ang huling pahina ng libro.

Nandilat ang mga mata niya at malakas na napahiyaw sa pangingilabot at panggigipuspos.

Ang nakalagay sa huling pahina ng libro, ang ayaw ipakita sa kanya ng matandang lalake...







































National Bookstore
Mga Tunay Na Kuwentong…



P 80.00

Comments

Popular posts from this blog

Things You Are Not Allowed To Do During Holy Week (Or So They Say)

"Hey, This Song Has Built A House Inside My Head!"

AND HERE'S SOME BAD NEWS...