Ang Buwan Ng Wika At Ang Kadahupan ng Pagmamahal Ng Maraming Pilipino Sa Sariling Wika



       

       Nagkaroon ako ng isang may kasinsinang pakikipagtalakayan sa isang punong-patnugot ng isang malaking limbagan ng mga Tagalog na aklat ilang araw na ang nakakaraan at nabanggit niya ang tila kawalan ng interes ng maraming kabataang Pilipino sa malalalim na wikang Tagalog, na isang paksang may kabalintunaan dahil Buwan ng Wika ngayon. Marami raw kabataan ngayon ang walang pagnanais na matutunan ang maraming malalalim na salitang Tagalog.

       Nakapagdudulot ito ng ibayong kapanglawan dahil kung ating dadalumatin, walang dudang napakarikit at nakakarahuyo ang ating pambansang wika. Narito ang ilang halimbawa: Matitimyas Na Mga Salitang Pilipino.

       Sa halip na hayaan lang na tuluyang anurin palayo ang loob ng ating mga kabataan sa malalalim at mga lumang salitang tagalog, hindi ba’t mas mainam kung pagsisikapan natin silang mabato-balani sa mga ito at himukin silang matutunan at mahalin ang mga katagang ito? Hindi sa nais nating gawing makata silang lahat, nakalulugod lang na marinig na ang maga katagang binibigkas noon ng ating mga ninuno ay patuloy na nanunulas sa dila ng maraming Pilipino.  Kung ang terminong Pak Ganern! ay agad nauunawaan at naisasapuso ng maraming mga kabataan, bakit hindi ang mga salitang tulad ng dagitab o paham? O sadyang lubhang marami nang pinagtutuunan ng kanilang mga pansin at panahon ang mga kabataan ngayon  at wala na silang oras para aksayahin sa pagtatampisaw sa ilog ng mga salitang ipinamana pa ng mga sinaunang Pilipino? Na kahit si Gat Jose Rizal ay hindi na sila mahihikayat? Ito marahil ang sasabihin ni Rizal ngayon sa mga kabataang minsan niyang tinaguriang pag-asa ng bayan: "Ang hindi magmahal sa sariling wika, mas pak ganern sa malansang isda."

       Don’t us! mabibigkas siguro ng mga kabataang hihimukin mong lagumin ang kahalagahan ng sariling wika, mababaw man o malalim.

       Yeah, don’t me!

Comments

Popular posts from this blog

Things You Are Not Allowed To Do During Holy Week (Or So They Say)

"Hey, This Song Has Built A House Inside My Head!"

AND HERE'S SOME BAD NEWS...