ISANG PAKIKIPAG-USAP SA DALAWANG KAWANI NG PAMAHALAN HINGGIL SA KUNG ANO BA DAPAT ANG HITSURA NG ISANG MANUNULAT
Pagkaraan nang labingwalong taon, muli akong napilitang lumabas ng bahay at nagtungo sa city hall upang umayos ng ilang papeles. Naninibago sa tama ng araw, nanghahapdi ang balat ko at gustong magbitak-bitak. Pagdating sa city hall, dalawang babaeng kawani ng nasabing tanggapan ng gobyerno ang nakausap ko at nakatransaksiyon, na ang edad ay kapwa mahigit limampu na siguro. KAWANI 1: Ano ba ang trabaho mo? AKO: Freelancer po. KAWANI 1: Freelancer na ano? AKO: Writer po. KAWANI 2: (medyo incoherent) Dubber? AKO: Ano po? KAWANI 2: Ano ka? Freelance dubber? AKO: A, hindi po. Writer po (pabulong) writer-writer-an. KAWANI 1: (may hindi naniniwalang reaksiyon) Writer ka? Ows? Totoo? AKO: Opo. KAWANI 1: May pruweba ka? AKO: (ngumiti lang) (sa mahabang silyang inuupuan ng dalawang kawani, may isa pang babaeng nakaupo, nasa mid-twenties siguro, hindi ko alam kung empleyada rin na nakadistansiya ng kau...